Baka ikahiya ng mga legal luminaries at batikang mga dating Senador ang nangyayari ngayon sa Senate impeachment court kung sila ay nabubuhay pa.
Ito ang sagot ni Atty. Antonio Bucoy, spokesperson ng House Prosecution Panel, nang matanong kung ano sa palagay niya ang masasabi nina dating Senator Jose Diokno, Lorenzo Tañada at Joker Arroyo sa nagaganap ngayon sa Senado.
Si Bucoy ay isang batikang litigator at miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) noong estudyante pa lamang siya sa University of the Philippines.
Kina Diokno, Tañada at Arroyo, aniya niya natutunan ang tamang paglalahad ng mga ebidensya.
Sabi ni Bucoy, iba ang komposisyon ng Senado noon na umaani ng respeto at walang patutsadahan, kumpara sa kasalukuyan.
Sinang-ayunan din ni Bucoy ang pahayag ni Philippine Constitution Association Chairperson at dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, na nagkaroon ng grave abuse of discretion o pagmamalabis sa panig ng senate impeachment court.
Partikular na ipinunto ni Bucoy ang remand, na wala aniya sa Saligang Batas at angkop lamang sa mga regular na korte.
“Ang pag-remand ibig sabihin ‘yung lower court should reconsider. Wala hong salitang remand sa impeachment. Hindi angkop ang remand sa impeachment. Yung remand ay para sa ordinaryong kaso sa ordinaryong hukuman but never sa impeachment court,” paliwanag niya. | ulat ni Kathleen Forbes