Magkakaroon na ng Muslim prayer room sa departure area ng NAIA Terminal 2, kasunod ng apela ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ito’y matapos mapansin ni Sec. Pangandaman na habang may lugar para sa panalangin sa arrival area, wala namang nakalaang espasyo sa departure section.
Agad tumugon sina San Miguel Corporation Chairman Ramon Ang at DOTr Secretary Vince Dizon sa panawagan at nangakong ipatatayo ang nasabing pasilidad.
Sa kaniyang social media post, pinasalamatan ni Sec. Mina ang dalawang opisyal sa kanilang malasakit at suporta para sa mas ingklusibong paliparan.
Ang bagong prayer room ay magsisilbing tahimik na lugar para sa pagdarasal at pagninilay, lalo na para sa mga Muslim na naglalakbay para sa trabaho, pag-aaral, o pilgrimage.
Bilang unang babaeng Muslim na Budget Secretary at isang Maranao, patuloy ang adbokasiya ni Pangandaman para sa ingklusibo at makataong pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas. | ulat ni Lorenz Tanjoco