📷: APD MIAA
Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na hindi nila kasapi ang Airport Police Department ng Ninoy Aquino International Airport.
Ito’y ayon sa PNP ay kasunod ng ulat hinggil sa limang airport police na sinibak ng Department of Transportation (DOTr) dahil umano sa pangingikil sa mga taxi driver sa paliparan.
Bagamat kapwa nagpapatupad ng batas, sinabi ng PNP na hiwalay at may sariling mandato ang Airport Police Department na nasa ilalim ng pamamahala ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Ang unit ng PNP na nakatalaga sa mga paliparan ay ang PNP Aviation Security Group (AVSEG) na siyang nakatutok naman sa mga paggalaw sa loob nito.
Layunin ng paglilinaw ayon sa PNP na maiwasan ang kalituhan ng publiko at mapanatili ang tamang impormasyon ukol sa tungkulin at hurisdiksiyon ng airport police na nakatutok naman sa seguridad sa labas ng paliparan. | ulat ni Jaymark Dagala