📷Bureau of Customs
Nasabat ng Bureau of Customs sa NAIA ang mga inabandonang padala na naglalaman ng iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱16 milyon.
Sa isinagawang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at PDEA sa Central Mail Exchange Center, narekober ang 3,025 gramo ng Ketamine na nagkakahalaga ng mahigit ₱15 milyon at 858 gramo ng high-grade Marijuana Kush na aabot sa mahigit ₱1.2 milyon.

Natuklasan ang droga sa mga parcel mula sa United States, Thailand, at Poland, kung saan itinago ang mga kontrabando sa loob ng kahon at coffee maker. Dumaan ito sa X-ray at physical inspection matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe.
Walang kumuha ng mga padala sa loob ng itinakdang 30 araw, kaya’t idineklarang abandoned at agad isinailalim sa kustodiya ng PDEA para sa imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.
Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, patunay ito ng kanilang mas pinaigting na kampanya kontra droga alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Lorenz Tanjoco