Lubhang ikinatuwa at lubos ang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Reporma sa Lupa, Conrado Estrella III ng mga magsasaka ng Brgy. New Kawayan, isang liblib na nayon sa Tacloban City, Leyte sa pagtupad ng kanilang matagal nang pangarap na kongkretong kalsada.
Nitong Mayo 22, 2025, pinangunahan ni DAR8, Regional Director, Atty. Robert Anthony Yu ang pagpapasinaya at turnover ng 1.4 linear-kilometrong Barangay New Kawayan – Sto. Niño farm-to-market road.
Ayon kay Yu, ang pagtatayo ng mga kalsadang farm-to-market sa mga liblib na kanayonan ay isa sa mga prayoridad ng administrasyong Marcos at ng DAR. Aniya, itong ₱21-milyong proyekto sa kalsada, ay ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay pinondohan ng Agrarian Reform Fund (ARF) na inaasahang pakikinabangan ng 289 na mga magsasaka.
Ayon naman kay Welefortes Bodaña, pangulo ng Barangay 101 Vegetable Farmers Association, ang proyektong ito ay matagal na nilang pangarap, dahil sa panahon ng tag-ulan, ang buong lugar ay lubhang nagiging maputik na halos hindi sila makalakad dahil sa kung minsan umaabot hanggang tuhod ang putik. Sa ngayon na kongkreto na ang kalsada, hindi na kailangang ipasan sa ulo ang kanilang ani, o kumuha ng karagdagang labor upang dalhin sa isang lugar ang kanilang produkto kung saan naghihintay ang mga mamimili. Sa ngayon, ang mga mamimili na ang pumupunta sa kanilang bukid upang kunin ang mga gulay.
Para naman kay Brgy. Chairman Rafael Manhuyod, ang proyektong ito ay magdadala ng makabuluhang pagbuti sa kalidad ng pamumuhay, hindi lamang sa mga magsasaka kundi sa lahat ng residente sa lugar at mga karatig na komunidad. | Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar, Radyo Pilipinas Borongan