Iginiit ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na hindi maaapektuhan ang budget process sakaling matuloy na rin ang impeachment trial ni VP Sara Duterte.
Kung tuluyang umusad ang impeachment ay posibleng sumabay ito sa deliberasyon ng panukalang 2026 national budget.
Sabi ni Abante, may hiwalay na prosecution panel na tututok sa impeachment trial habang ang ibang miyembro ng Kamara ang siyang tututok naman sa pagdinig ng 2026 General Appropriations Bill.
“Magkahiwalay po na role ng House of Representatives impeachment at ang budget process. Meron tayong prosecution panel for the impeachment trial and then the rest of the members of the House of Representatives would be able to conduct the hearings for the 2026 General Appropriations. So tingin ko hindi naman ‘yan magiging problema,” saad ni Abante.
Umaasa naman si Abante na masimulan na ang paglilitis at mailahad ang mga ebidensya upang mabigyang-linaw ang mga isyung nakapalibot sa bise presidente.
“Ang consequences ng delay ng impeachment trial ay hindi lang siya makakaapeketo doon sa budget, makakaapekto siya sa mga mamamayan. Gusto natin na matapos ang mga issues tungkol sa napapalibot kay VP Sara, tapusin natin ang trial. Magkaroon na ng trial, i-present ang mga ebidensya para makapagdesisyon ang ating mga senator-judges dahil inaasahan natin na magde-desisyon sila ayon sa kanilang kunsensya doon sa mga ebidensyang nailatag,” dagdag pa niya.
Karaniwang isinusumite ang panukalang pambansang pondo ilang linggo matapos ang SONA ng Pangulo. | ulat ni Kathleen Forbes