Simula bukas, Hunyo 24, mahigpit nang ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong permanent extended danger zone sa paligid ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ayon sa abiso ng Regional Task Force Kanlaon, pansamantalang suspendido ang pinapayagang window period na mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon. Hindi na muna papayagang makapasok ang publiko sa naturang oras kahit para sa mga gawaing pansakahan at iba pang mahalagang aktibidad.
Batay sa pinakahuling ulat ng Phivolcs, mula alas-5:00 ng umaga kahapon hanggang alas-5:00 ng umaga ngayong araw, nakapagtala ng 67 volcanic earthquakes sa paligid ng bulkan. Noong Hunyo 22, umabot sa 755 tonelada kada araw ang inilabas na sulfur dioxide ng bulkan, habang ang taas ng ibinugang singaw ay umabot sa 950 metro na napanotang lumipad patungong hilagang-silangan at hilagang-hilagang kanluran.
Matatandaang pinapayagan pa noon ang mga residente na pansamantalang makapasok sa danger zone tuwing window hours para sa limitadong gawain tulad ng pagsasaka. Ngunit dahil sa tumitinding aktibidad ng bulkan, pansamantalang ipinatitigil ito para sa kaligtasan ng publiko. | ulat ni Rey Ferrer