Muling sasailalim sa repair works ang nasirang Marilao Bridge sa North Luzon Expressway (NLEX) na sinabitan ng isang truck kamakailan.
Naglabas ng updated schedule ang NLEX Corporation para sa lane closure sa ilang bahagi ng expressway.
Sarado hanggang Hunyo 26 ang westbound lane sa ibabaw ng tulay, o ang lane patungo sa MacArthur Highway, kasabay ng pagpapatupad ng stop-and-go scheme sa lahat ng sasakyan.
Ang Northbound Lane 2 naman ng NLEX sa ilalim ng tulay, o middle lane, ay isasara mamayang alas-9:00 ng gabi, Hunyo 21, hanggang alas-11:59 ng gabi.
Habang ang Lane 1 at 2 ay isasara mula alas-12:01 ng madaling araw bukas, Hunyo 22, hanggang alas-11:59 ng gabi.
Tiniyak ng NLEX na magpapatupad sila ng counterflow sa kabilang direksyon kung kinakailangan, depende sa volume ng sasakyan.
Sa unang inilabas na schedule ng NLEX, aabutin ang repair works sa Marilao Bridge hanggang Hulyo. | ulat ni Rey Ferrer