Ikinalungkot ng Malacañang ang tila pangmamaliit ni Vice President Sara Duterte sa pagiging tourist spot ng San Juanico Bridge.
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro, kasunod ng pag-kwestyon ng ikalawang pangulo, kung paanong naging tourist spot ang nasabing tulay.
Sa press briefing sa Palasyo, binigyang diin ng opisyal na ang nasabing tulay na mayroong habang 2.16km at naitayo noon pang 1973.
Sumi-simbulo aniya ito sa kagandahan at engineering capabilities ng bansa.
“Tandaan po natin, ang San Juanico Bridge ito po ay simbolo ng kagandahan at engineering capabilities noong panahon, noong 1973. Siguro, karamihan sa inyo, karamihan sa atin hindi pa pinapanganak. Pero hanggang ngayon, nakatatag pa rin, nandiyan pa rin. Ang San Juanico Bridge ay kailangan lamang ang rehabilitation.” —Castro.
Hindi aniya masusukat sa iksi o haba ng isang tulay ang pagiging tourist spot nito.
Inihalimbawa ng opisyal ang Golgen Gate sa San Francisco, California na 2.7 kilometers lamang rin ang haba, ngunit tanyag sa mga turista.
“Pati iyong El Marco Bridge na pinakamaigsing tulay na may sukat na six meters ay tinatawag daing tourist spot.” —Castro.
Ayon kay Usec. Castro, nakalulungkot na habang nakatutok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsusulong ng turismo ng Pilipinas, kapwa Pilipino naman aniya ang nagbabagsak dito.
“Ang masakit lang kapuwa nating Pinoy ibinabagsak ang turismo ng bayan, inaangat ang turismo ng ibang bansa, samantalang ang Pangulo kagagaling lamang sa Japan para palakasin ang turismo ng ating bansa.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan