Naniniwala si House Ways and Means Chair Representative Joey Salceda na hindi gaanong maaapektuhan ang kabuuang remittance ng overseas Filipino workers (OFWs) sakaling maipatupad ang panukalang 3.5 percent na buwis sa remittance ng Estados Unidos sa taong 2026.
Ito ang naging tugon ni Salceda sa tanong ukol sa posibleng epekto ng mungkahing remittance tax ng US sa padalang pera ng mga OFW.
Ayon kay Salceda, hindi niya nakikitang malaki ang magiging epekto nito sa volume ng remittance kumpara sa posibleng pang-kalahatang patakaran laban sa pagbibigay ng working visas.
Ayon sa mambabatas, may karapatan ang mga bansang tulad ng Estados Unidos na buwisan ang kita ng mga manggagawang dayuhan na kumikita sa kanilang hurisdiksyon.
Gayunpaman, iginiit niya na dapat ay patuloy na makipag-negosasyon ang pamahalaan upang manatiling bukas at paborable ang mga patakaran sa visa para sa mga Pilipinong manggagawa, partikular na sa mga nars at iba pang skilled workers.
Kumpiyansa ang mambabatas sa kakayahan ng Embahada ng Pilipinas sa US, na makipag-lobby upang itulak ang mga polisiya na pabor sa mga Pilipino.
Aniya, may posibilidad ding bawiin ang panukalang buwis kung hindi maabot ng US ang inaasahang kita mula rito. | ulat ni Melany Valdoz Reyes