Mariing sinabi ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol na walang basehan ang paratang na sinadyang iantala ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tongol, sa loob ng isang linggo ay marami nang nagawa ang Senate Impeachment Court…
Kabilang na dito ang pag-convene sa impeachment court, pag-a-adopt ng rules, pag-iisyu ng kautusan na humihingi ng certification sa Kamara tungkol sa articles of impeachment, pag-iisyu ng summons kay Vice President Sara Duterte, at pagtanggap ng entry of appearance ng defense lawyers ng Bise Presidente.
Iginiit ni Tongol na kung gusto ng Kamara ng mabilisang aksyon, dapat ay ipinadala na ng House prosecution panel ang pormal na tugon sa kautusang ibinaba ng impeachment court.
Aniya, sinumang mahusay na abogado ay nakaaalam na mabilis lang ang mag-file ng motions for clarification, manifestation, at compliance, pati na ang formal entry of appearance. | ulat ni Nimfa Asuncion