Sisiguruhin ng Marcos administration na ganap ang pagkatuto ng mga estudyante bago sila ipasa sa susunod na baytang, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ikalawang episode ng kanyang podcast, ibinahagi ng Pangulo ang ilang insidente kung saan naipapasa ang mga mag-aaral kahit hindi marunong magbasa, bunsod ng kasalukuyang sistema ng performance review sa mga guro na nakabase lamang sa dami ng pumapasa.
Dahil dito, sinabi ni Pangulong Marcos na babaguhin ang batayan ng performance review at ito ay ibabase na sa aktwal na performance ng mga estudyante sa kanilang mga pagsusulit.
“‘Kahit na hindi marunong magbasa, ipasa mo na.’ ‘Yun ang nangyayari. It’s just a practical thing. Pero we will remedy that. The performance review is not going to be based on that. It’s going to be based on the students’ actual performance in tests,” ani ng Pangulo.
Layon ng hakbang na ito na mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa, lalo’t kulelat ang Pilipinas sa ilang international assessments sa Math, Science, at Reading Comprehension. | ulat ni Racquel Bayan