📷 STAMINA4Space/PHL-Microsat
Palalakasin ng Pilipinas ang paggamit ng space technology ng bansa, upang makatulong sa pagprotekta at pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., makikipagtulungan ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA), upang epektibong magamit ng bansa ang space science.
Kung matatandaan, ang nabanggit na Japanese agency ay matagal nang katuwang ng Pilipinas sa space science, teknolohiya, at application programs sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST).
Kabilang dito ang matagumpay na pagbuo at pagpapalipad ng mga microsatellite ng Pilipinas tulad ng DIWATA-1 at DIWATA-2.
Kabilang rin ang mga nanosatellite na MAYA-1 at MAYA-2, na nilikha sa pakikipagtulungan sa mga unibersidad sa Japan.
Sabi ni Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng satellites, mas mabilis na matutukoy ang mga bagyo at agad na makatutugon sa mga kalamidad.
Makakatulong rin aniya ito sa mga magsasaka na makapagplano nang mas maaga, gayundin ang pagsisiguro sa kaligtasan ng mga komunidad. | ulat ni Racquel Bayan