Binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na mahalaga ang ginagampanang papel ng PNP sa pagpapatupad ng Emergency 911 system ng pamahalaan.
Layong nitong magbigay ng mabilis at maasahang tulong sa mga nangangailangan sa panahon ng emergency.
Ayon kay Torre, frontliner ang PNP pagdating sa mga usaping may kinalaman sa public safety at law enforcement. Sa ilalim ng E911, nakokonekta ang tawag sa PNP Command Center kapag pinindot ang “1” para sa police assistance.
Agad na tinatanggap ng mga telecommunication personnel ang tawag at kinukuha ang mahahalagang detalye gaya ng eksaktong lokasyon, uri ng insidente, at mga taong sangkot.
Mula rito, ipinapasa ang impormasyon sa pinakamalapit na police station gamit ang digital mobile radios, analog radios, landline, mobile phones, at Push-to-Talk apps.
Dagdag pa ni Torre, aktibo ang koordinasyon sa pagitan ng command center at mga tauhan sa field upang masiguro ang mabilis at tamang aksyon.
Nabatid na walong police commander sa Metro Manila ang inalis sa puwesto ni Torre dahil sa kabiguang makasunod sa 5-minute police response time. | ulat ni Diane Lear