May mga tinututukang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pamamaril sa isang 63-taong gulang na empleyado ng House of Representatives sa Quezon City.
Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, bumuo na ng Special Investigation Task Group upang tutukan ang kaso. May sinusundan na aniya silang lead at kasalukuyang isinasagawa ang manhunt operation laban sa mga suspek.
Batay sa inisyal na ulat, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang pumasok sa isang exclusive venue sa Quezon City habang isinasagawa ang birthday celebration ng 7-taong gulang na anak ng biktima.
Tinambangan at binaril sa ulo ang biktima at saka tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo. Nagpaputok pa ang mga ito sa guard house ng subdivision.
Idineklara namang dead on arrival ang biktima sa ospital. Sa ulat ng pulisya, mukha umanong planado ang krimen. | ulat ni Diane Lear