Aminado si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makailang ulit na siyang pinadalhan ng maling ulat na may kaugnayan sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sa ikalawang episode ng Podcast ng Pangulo, inihayag nitong iba sa katotohanan ang maraming report na isinumite sa kanya na may kalakip pa ngang larawan na doon ay ipinapakitang maganda ang natapos na government project.
Pero kapag pinuntahan, ibang-iba sabi ng Pangulo ang report kumpara sa katotohanan.
Paglalarawan dito ng Pangulo, binola siya ng mga aniya’y taong-loko at hindi reliable kaya ang solusyon, maghanap ng iba.
Kaugnay nito, sinabi ng Chief Executive na marami na din siyang pinalitan dahil sa hindi pagsusumite ng tunay na report o panlilinlang, na hindi na nila inaanunsiyo.
Kung hindi aniya makatutulong, mas maiging umalis na lang ang mga Ito at malaya nang gawin ang nais nilang gawin sabi ng Pangulo. | ulat ni Alvin Baltazar