Bilang bahagi ng layunin nitong maging isang carbon-neutral na ekonomiya, ilulunsad ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang paggamit ng mga purong bateryang de-kuryenteng bus o pure battery electric buses (PBEB) sa loob ng Subic Bay Freeport Zone ngayong taon.
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, ang proyekto ay bahagi ng “Race to Carbon Neutrality” program ng SBMA upang gawing unang carbon-neutral economic zone sa bansa ang Freeport.
Ayon kay Aliño Dumating na ang sampung (10) yunit ng mga e-bus noong Mayo 13 at isinagawa ang road test noong Mayo 27.
Bahagi ng proyekto ang pagtatayo ng mga fast electric vehicle charging stations (EVCS) sa motorpool ng SBMA Maintenance and Transportation Department, gayundin ang isa pang charging station mula sa Department of Energy (DOE) na ilalagay sa kahabaan ng Argonaut Highway.
Naglaan din ang SBMA ng ₱10 milyon para sa pagtatayo at rehabilitasyon ng mga hintuan ng bus. Target itong makumpleto bago matapos ang taong 2025.
Kabuuang 58 bus stops ang itatayo: 8 sa Central Business District, 16 sa Cubi Area, 6 sa mga theme park, 18 sa Binictican Housing area, at 10 sa Kalayaan Housing area.
Kasama rin sa proyekto ang rehabilitasyon ng Kalaklan Gate Terminal, pangunahing daanan papasok sa Freeport mula sa Zambales.
Target ng SBMA na bawasan ng 30% ang carbon emissions pagsapit ng 2030 at makamit ang net-zero emissions pagsapit ng 2040, kabilang ang ₱250-milyong proyekto para sa Carbon Neutral Port na may shore power connection para sa mga barko. | ulat ni Melany V. Reyes