Pormal nanumpa sa pwesto si Secretary Raphael Lotilla bilang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Isinagawa ang turnover ceremony para kay Sec. Lotilla nitong Lunes, June 16 sa DENR Central Office sa Quezon City.
Sa kanya namang talumpati, pinasalamatan ni Secretary Lotilla si outgoing Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga at kinilala ang kanyang pamumuno na nakatuon sa science-based policy reforms at climate resilience programs na nakatulong sa vulnerable communities sa bansa.
Tiniyak nitong ipagpapatuloy ang mga nasimulang inisyatibo ni Loyzaga sa DENR.
Bitbit ni Lotilla ang malawak na karanasan bilang lingkod-bayan, legal scholar, at energy policy expert.
Bago italaga sa DENR, dalawang ulit siyang nagsilbi bilang Secretary of Energy sa ilalim nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. | ulat ni Merry Ann Bastasa