Hindi dapat magpakakampante ang Malacañang sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.
Sinabi ng senadora na dapat tiyakin ng pamahalaan na ligtas ang lahat ng mga overseas Filipino workers (OFW), hindi lamang sa mga bansang Iran at Israel, kundi maging sa buong Gitnang Silangan (Middle East).
Ito ay lalo na’t nagbanta ang Iran na babalikan ang mga pasilidad o personnel ng United States (US) sa iba’t ibang bansa sa rehiyon matapos ang ginawang pambobomba ng US sa Iran.
Tinanong rin ni Hontiveros kung sapat pa ba ang alert system na ginagamit ng Department of Foreign Affairs (DFA) para balaan ang mga OFW sa Israel at Iran, lalo na sa harap ng halos araw-araw na karahasan at kaguluhan sa dalawang bansa.
Sa ngayon, alert level 3 o voluntary repatriation pa lamang ang ipinatutupad sa Iran at Israel.
Umaasa si Hontiveros na hindi pa magiging huli ang lahat para mailikas ang ating mga kababayan kung hihintayin pa ang alert level 4 o ang sapilitang repatriation.
Nanawagan din ang senadora sa DFA at Department of Migrant Workers (DMW) na tiyaking may malinaw na contingency plan, at sapat na resources para sa malawakang evacuation, transportasyon, at pag-aalaga sa mga OFW sakaling kinakailangan itong gawin. | ulat ni Nimfa Asuncion