Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros si Vice President Sara Duterte na sagutin ang writ of summons na inisyu sa kanya ng Senate Impeachment Court.
Ayon kay Hontiveros, isang magandang paraan para masimulan ni VP Sara na ipresenta ang kanyang mga argumento ay ang tumugon sa summons.
Samantala, nanindigan rin ang senadora na bilang senator-judge ng impeachment court ay titingnan niyang maigi ang lahat ng ebidensyang ipipresenta ng Bise Presidente sa impeachment trial.
Aniya, nang manumpa sila bilang senator-judge ay naging tungkulin nilang suriin at bumoto ayon sa bigat ng ebidensyang ilalahad ng magkabilang panig sa impeachment trial, kakampi man o kritiko ni VP Sara.
Ito aniya ang kanyang susunding tungkulin, at ito rin ang inaasahan niya sa ibang senador.
Una nang sinabi ni VP Sara na dapat mag-recuse mula sa impeachment trial si Hontiveros, sa gitna ng mga panawagang mag-recuse o mag-inhibit rin sa impeachment ang mga senador na malapit sa Bise Presidente. | ulat ni Nimfa Asuncion