Ipinaabot ni Speaker Martin Romualdez ang pasasalamat sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Director Mauricio “Morie” Pulhin, isang kawani ng Mababang Kapulungan.
Si Pulhin, Chief of Technical Staff ng House Committee on Ways and Means, ay binaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang ginaganap ang birthday celebration ng kaniyang anak noong weekend.
Sa kanyang pagdalaw sa burol ng nasawing kawani, personal na ipinaabot ni Speaker Romualdez ang pakikiramay sa naiwang pamilya ni Pulhin at tiniyak ang buong suporta ng Kamara sa kanilang paghahanap ng hustisya.
Nagbigay din ng ulat sa naulilang pamilya sina Quezon City Police District (QCPD) OIC Police Col. Randy Glenn Silvio at Police Lt. Col. Romil Avenido, Station Commander ng Batasan Police Station 6.
Ayon sa pulisya, kasalukuyang sinusuri ang mga CCTV footage, isinasagawa ang forensic analysis, at iniinterbyu ang mga testigo upang matukoy ang mga responsable.
Tinitingnan din ang lahat ng posibleng motibo, kabilang na ang personal at work-related na anggulo.
“I commend the efforts of QCPD and the officers involved in the early stages of the investigation,” pahayag ni Speaker Romualdez. “But I urge our law enforcement agencies to move with even greater urgency. Justice delayed is justice denied.”
Nanawagan din siya sa publiko na tumulong sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na maaaring magbigay-linaw sa kaso.
“We urge anyone who saw or heard anything unusual to come forward. Even the smallest detail could make a difference,” dagdag niya.
“This crime struck at the heart of the institution. It will not be swept aside. We will pursue justice—for Morie, for his family, and for every public servant who deserves to feel safe in the line of duty,” pagtatapos ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes