Nagpahayag ng suporta si Speaker Martin Romualdez sa itinutulak na panukala ng Department of Agriculture (DA) na ireporma ang National Food Authority (NFA) at siniguro na agad kikilos ang House of Representatives sa sandaling maisumite sa Kongreso ang panukalang batas.
Ani Romualdez, tumutugon ito sa kagyat na pangangailangan na pababain ang presyo ng bigas, tulungan ang mga magsasaka, at patatagin ang suplay ng pagkain sa bansa.
“Ang mahal ng bigas, at ang pinaka-apektado ay ang karaniwang pamilyang Pilipino. The good news is that the administration of President Ferdinand R. Marcos Jr. is doing everything in its power to address this and this NFA revamp bill is one way to lower food prices, empower farmers and protect our consumers. Kailangan nating tiyakin na may sapat na buffer stock ang gobyerno at may tulong na makakarating sa ating mga magsasaka,” giit ni Speaker Romualdez.
Ang panukala, na isinumite na ng DA sa Malacañang noong nakaraang linggo, ay layong ibalik ang kapangyarihan ng NFA na direktang makialam sa merkado ng bigas—lalo na sa pamamagitan ng pagbili ng palay sa makatarungang presyo at pagpapanatili ng buffer stock upang mapigil ang biglaang pagtaas ng presyo bunsod ng kalamidad, hoarding, o manipulasyon sa merkado.
Layunin din ng panukala na gawing mas malinaw ang mandato ng NFA para suportahan ang mga Pilipinong magsasaka at protektahan ang mga mamimili.
May nakapaloob din ditong probisyon para sa price support, post-harvest facilities, at mas mahusay na koordinasyon ng NFA at mga lokal na pamahalaan, na ayon sa Speaker ay makatutulong sa pagkakaroon ng mas matatag na suplay ng pagkain sa mga komunidad.
“Rice is life for Filipino families. This measure will help ensure that no household goes hungry simply because rice becomes too expensive…This is not just an NFA reform bill: it’s a social justice bill. puts the full weight of the state behind our farmers and ensures our people will not be left helpless when prices go up due to war, calamity, or market abuse,” saad pa niya.
Dagdag pa niya na ang mga reporma na ito para sa loob at labas ng NFA ay parehong pakikinabangan ng magsasaka at mamimili. | ulat ni Kathleen Forbes