Tumugon na ang kampo ni Vice President (VP) Sara Duterte sa summon na ipinadala ng Senate Impeachment Court.
Dakong 5:49 ng hapon ngayong araw ay dumating sa Senado ang kinatawan ng kampo ni VP Sara upang isumite sa Impeachment Court ang kanilang answer ad cautelam.
Tinanggap naman ng Senate Secretary, na tumatayong Clerk of Court ng Impeachment Court, ang tugon ng Pangalawang Pangulo.
Ipinaliwanag ni Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr. ang inihaing pleadings ng kampo ni Vice President Duterte na may katagang answer ad cautelam.
Ayon kay Bantug, inihahain ito ng kampo ng Bise Presidente bilang tugon na may pag-iingat, dahil posible umanong may iba pang argumento silang ihahain sa mga susunod na yugto ng proseso.
Kasama sa nakapaloob sa 35-pahinang dokumentong isinumite ng kampo ni VP Sara ang paggiit ng depensa na dapat ma-dismiss ang kaso dahil sa ilang paglabag.
Una na rito ang void ab initio o ang depensang nagsasaad na sa simula pa lamang ay wala nang bisa ang ika-apat na impeachment complaint na inihain ng Kamara, dahil ito umano’y labag sa “one-year bar rule” sa ilalim ng Section 3, Article XI ng Saligang Batas.
Sa ngayon, bibigyan pa ng kopya ng pleadings ni VP Sara si Impeachment Court Presiding Officer at Senator Chiz Escudero, ang mga senador na tatayong hukom (senator-judges), at ang tagapagsalita ng Impeachment Court na si Atty. Reginald Tongol.
Una na ring nabigyan ng kopya ng tugon ang House Prosecution Panel.
Ngayong may sagot na ang kampo ni VP Sara sa summon, bibigyan naman ng hanggang limang araw ang House Prosecution Panel upang makapaghain ng kanilang tugon. | ulat ni Nimfa Asuncion