Ipinag-utos ni Western Mindanao Command (WestMinCom) Commander Lt. Gen. Antonio Nafarrete sa Joint Task Force (JTF) Central na magsampa ng kasong legal laban sa mga nasa likod ng pagre-recruit ng mga menor de edad sa New People’s Army (NPA).
Ang direktiba ay kasunod ng pagkakadakip sa dalawang sugatang menor de edad na umano’y miyembro ng NPA na nahuli sa isang follow-up operation sa Sitio Muagan, Sultan Kudarat noong June 21.
Kinilala ang dalawang menor de edad na sina alyas “Digbay,” 16 taong gulang na tinamaan sa kanang binti, at alyas “Mario,” 17 taong gulang na nagtamo ng spinal injury. Naiwan umano sila ng kanilang mga kasamahan matapos ang sagupaan.
Narekober sa insidente ang isang M16 rifle at tatlong magasin.
Mariing kinondena ni Lt. Gen. Nafarrete ang paggamit ng mga menor de edad sa at binigyang-diin na ito ay paglabag sa International Humanitarian Law at Human Rights Law. | ulat ni Diane Lear