Tiwala si Senate President Chiz Escudero na maaaprubahan ng Kongreso ang panukalang 2025 National Budget bago ang kanilang session break.
Sa closing speech ng Bicameral Conference Committee meeting, sinabi ni Escudero na kahit kumplikado at mahaba ang prosesong pagdadaanan nila ay umaasa siyang bago ang Christmas break ng Kongreso ay matatapos at mapagtitibay nila ang budget bill.
Ito ay para bago aniya mag-Pasko ay maibigay na ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang marebyu at mapagtibay bago pumasok ang Bagong Taon.
Tiniyak rin ni Escudero na bubuksan sa publiko ang budget process para mabusisi at makita ng taumbayan kung paano ito ginagawa.
Ayon kay Escudero, ang panukala tungkol sa National Budget ang pinaka-importante at pinakamasalimuot na tinatalakay ng dalawang Kapulungan ng Kongreso taon-taon dahil kailangang idetalye kung paano at saan gagamitin ang pondo ng bayan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion