Tahasang itinuro ni Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun ang pangalawang pangulo na siyang nagsimula ng lahat ng gulo.
Tugon ito ng mambabatas nang mahingan ng reaksyon kaugnay sa ‘political rift’ ngayon sa bansa.
Sabi ni Khonghun, hindi naman mangyayari ang lahat nang ito kung hindi maaga nangarap mag-presidente ang pangalawang pangulo.
“Nagsimula lang naman ang kaguluhan na ito noong mangarap ang ating Bise Presidente na maging Presidente ng maaga. Nung mangarap ang former President na paupuin yung kanyang anak na maging Presidente kaagad. Dun naman nagsimula ang lahat ng ito.” Diin ni Khonghun.
Kilala naman aniya ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang isang mahinanong tao at nakatuon ang atensyon sa pag-ta-trabaho.
“Nakita naman natin ng ating Presidente si Presidente BBM napakamahinahon na leader, napakamahinahon na tao dahil yan ang kanyang personalidad. Hindi pumapatol sa kahit anumang usapin na tingin niya ay makakasakit sa ekonomiya ng ating bansa. Nakita naman natin ang pagtatrabaho ng ating Presidente kasama ng ating Speaker, wala silang ibang gustong mangyari kundi umangat ang kabuhayan ng ating mamamayan.” Dagdag niya.
Sabi pa ng Zambales solon na kung wala lang sanang maagang nangarap at maagang nag-ambisyon na maging Presidente, ay tahimik ang lahat.
Sabi naman ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega na malinaw naman kung sino ang inaaway dito.
Punto pa niya, bagamat nanaisin ng pangulong Marcos Jr. na ituon ang atensyon sa trabaho ay hindi rin naman niya palalampasin ang mga pag-atake sa kaniya.
Kahit sino naman kasi aniya na pagbantaan ang buhay ay ganito ang magiging reaksyon.
“iba naman po iyong nag-aaway sa inaaway. So, ang pananaw ko po dito kasi inaaway nila yung Pangulo. Kitang-kita naman po. It’s very obvious na, sisi dito, sisi diyan, pero at the end of the day we should all be accountable for our actions. And as we all know the President, alam naman po natin yung Pangulo e talagang kung pwedeng magtrabaho na lang siya, magtatrabaho an lang siya para sa ikagaganda ng bansa. Pero siyempre he won’t take this sitting down. Dineath threat ka po. Kahit sino pa sigurong mamamayan e ganun din po ang response sa nangyari.” Punto ni Ortega. | ulat ni Kathleen Forbes