Nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) ang nasa mahigit P10.2 milyong halaga ng shabu matapos ang ikinasang operasyon nito sa Lumban, Laguna, kaninang umaga.
Batay sa ulat ng PDEG, ikinasa ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bisa ng search warrant na inilabas ng Lucena City Regional Trial Court noong Nobyembre 26.
Dahil dahil dito, nasakote ang isang drug suspek na kinilala lamang sa alyas na Karding sa tinutuluyan nitong bahay, sa Brgy. Maytalang Uno.
Nakuha mula sa kaniya ang nasa isa’t kalahating kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P10,268,000; gayundin ang nasa mahigit 300 gramo ng pinatuyong dahon ng Marijuana na nagkakahalaga naman ng mahigit P37,000.
Hawak na ngayon ng Lumban Municipal Police Station ang suspek habang kinakasa na ng mga awtoridad ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban dito. | ulat ni Jaymark Dagala