Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa lahat ng mga residenteng nakatira sa loob ng 6 km radius ng Permanent Danger Zone ng bulkang Kanlaon na manatili sa mga evacuation center ngayong Pasko.
Ito ay makaraang i-ulat ni OCD Administrator, USec. Ariel Nepomuceno, na nakumpleto na ang paglilikas sa mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkan.
Pakiusap ni Nepomuceno, huwag munang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas na residente kahit na sumapit na ang Pasko para na rin sa kanilang kaligtasan.
Babala pa ng opisyal, wala nang ikakasang rescue operations sa sandaling pumutok muli ang bulkan, kaya’t umaapila siya sa mga residente na makipagtulungan.
Pagtitiyak naman ni Nepomuceno, lalo na sa mga nagsilikas na residente, na nakaagapay sa kanila ang Pamahalaan upang tumugon sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. | ulat ni Jaymark Dagala