Nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga apektadong residente ng Bulkang Taal, tungkol sa mga maaaring maganap o maranasan lalo na at nakataas pa rin sa Alert Level 1 ang bulkan.
Kabilang dito ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosion, volcanic earthquake, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.
Dahil dito, bawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures, at pamamalagi sa lawa ng Taal gayundin ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng Bulkan.
Paulit-ulit na paalala ng PHIVOLCS, manatili sa loob ng bahay kung walang importanteng gagawin sa labas ngunit kung hindi maiiwasan ay gumamit ng N-95 facemasks, isara ang pinto at bintana para maiwasang makapasok ang volcanic smog; at manatiling naka-monitor sa mga abiso na inilababas ng PHIVOLCS. | ulat ni Hazel Joy Morada