Nagsama-sama na ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Health (DOH), at ang Private Sector Advisory Council (PSAC) para ipatupad ang upskilling program ng mga underboard nursing graduates.
Ito ay upang maisama sila sa kasalukuyang bilang ng mga licensed nurse para sa pangangailangan ng mga public at private hospitals.
Pinangunahan mismo nina CHED Chairperson Popoy De Vera at Health Secretary Teodoro Herbosa, ang paglagda ng isang Joint Administrative Order (JAO) para sa Implementing Guidelines ng Nurse Workforce Complementation and Upskilling Program para sa Clinical Care Associates (CCAs).
Sinabi ni De Vera, na aabot sa 50 percent ng underboard nurses ang kailangang hanapin at isailalim sa upskilling.
Kung maitataas ang kagalingan ng mga ito, di na aniya mag-aantay ng apat hanggang limang taon para mapalakas ang nursing manpower.
Sa loob lang aniya ng isang taon ay marami nang dagdag na nurses.
Sabi pa ni De Vera, ang proyekto ay isang win-win solution, di lang sa mga nursing student kung hindi maging sa healthcare industry at sa private sector. | ulat ni Rey Ferrer