Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala sa kanila ang kontrol kung anong unit o brand ng modern jeepney ang pipiliin ng mga consolidated transport group.
Sa Balitaan sa Tinapayan News Forum sinabi ni Joel Bolano, Head ng LTFRB Technical Division, na hawak ng mga kooperatiba o korporasyon ang pamimili ng klase ng yunit na kanilang ibabiyahe.
Paliwanag pa ni Bolano, ang kailangan lang sundin base sa Omnibus Franchising Guidelines of 2017 ay ang mga specification ng isang yunit gaya ng klase ng makina, sukat nito, lugar ng pinto at iba pa.
Pero pagdating aniya sa disenyo ay may kakayahang mamili ang mga consolidated transport group kung anong klase, style ang kanilang bibilhin, at gagamiting pamasada.
Matatandaan na isa sa mga inaaray ng mga transport group ay ang pagkakaroon ng masyadong mahal na yunit, at walang bakas ng tradisyunal na jeepney. | ulat ni Lorenz Tanjoco