Pormal nang binuksan ng Kamara ang pagtalakay sa panukalang 2024 National Budget.
Unang sumalang sa deliberasyon ang Development Budget Coordination Committee o DBCC na siyang maglalatag ng macro-economic assumptions at iba pang naging batayan sa pagbuo ng P5.768 trillion budget.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, bilang nakaatang sa kongreso ang ‘power of the purse’, mahalagang busisiin ang naturang budget gayundin ang mga programang popondohan upang matiyak na tama ang paggugol dito at masiguro na matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng bansa.
Punto pa ni Romualdez na bawat buwis na binabayaran ng publiko ay dapat maibalik sa pamamagitan ng makabuluhang serbisyo.
“We need to closely examine the budget proposals of every department and agency, and analyze every program, activity and project to ensure that the resources are allocated and optimized on the right priorities that address the economic and social challenges of our beloved country. With utmost diligence, we will ensure that every centavo of the proposed P5.768 trillion budget will be judiciously spent.” diin ng House Speaker.
Tiniyak naman ni Romualdez na sa loob ng limang linggo ay maipapasa na nila ang panukalang pambansang budget.
Apat na linggo aniya ay gugugulin sa komite at ang isang linggo ay para sa plenaryo.
“I can assure everyone that the house of representatives will not take a break until and unless we have passed this very important legislation. Sisiguruhin natin na maipapasa natin ang 2024 general appropriations bill sa loob ng limang linggo lamang. Apat na linggo sa mga komite, at isang linggo sa plenaryo,” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes