Patuloy pa ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa legalidad ng paglalabas nang mas maagang honoraria na natatanggap ng mga guro tuwing eleksyon.
Pahayag ito ni COMELEC Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, kasunod ng apela ni Vice President Sara Duterte na gawing maaga ang pagbibigay ng allowance ng mga guro, para sa halalan.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng opisyal na mayroon kasing mga kailangang ikonsidera sa usaping ito, lalo at nakatakda sa batas na dapat ang bayad ay ibibigay lamang pagkatapos mag-render ng serbisyo.
Bukod dito, sakali kasi aniyang mag-advance payment ang COMELEC ngunit hindi nakapagserbisyo ang guro sa araw ng eleksyon sila aniya ang mananagot, dahil hindi na mababawi ang naibigay na allowance.
Ito ang dahilan ayon sa opisyal, kung bakit mabusisi ang ginagawa nilang pag-aaral kaugnay sa usaping ito. | ulat ni Racquel Bayan