Bumuo na ng isang fact-finding team ang Department of Migrant Workers (DMW) upang tumulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Ito’y may kaugnayan sa napaulat na talamak na illegal recruitment sa Italy na ang binibiktima mismo ay mga kababayang Pilipino roon.
Ayon kay DMW Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac, nakatakdang magtungo sa Italy ang naturang lupon para personal na imbestigahan ang kaso.
Partikular aniyang sisiyasatin dito ang dalawang kumpanya na sinasabing pagmamay-ari ng mga Pilipino tulad ng Golden Power SRLS at ang Alpha Assistenza na kapwa nakabase sa Milan.
Batay kasi sa ulat, nanghihingi umano ang mga ito ng mula €1,500 hanggang €4,000 euros o ₱90,000 hanggang ₱240,000 pesos sa mga Pilipino na nasa Italy na naghahanap ng trabaho.
Dahil dito, mahaharap sa mga kasong Large Scale at Syndicated Illegal Recruitment at Estafa ang dalawang nabanggit na kumpanya. | ulat ni Jaymark Dagala