Suportado ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng National Capital Region (NCR) ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nag-aalis sa pagpapataw ng “pass through fees” o paniningil ng toll sa mga produkto o kargamento.
Ito ay makaraang ipasa ng Metro Manila Council (MMC) ang resolution no. 23-15, na sumasang-ayon sa pagpapatupad ng moratorium sa paniningil ng toll sa mga ibinibiyaheng produkto
Ayon kay MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora, bagaman ilang lokal na pamahalaan lamang sa Metro Manila ang nagpasa ng ordinansa hinggil dito, makatutulong ang resolusyon para lalong mapalakas ang kampanya na pababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa panig naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG), muling iginiit ni Secretary Benhur Abalos ang paghimok sa iba pang mga lokal na pamahalaan, na magpasa ng ordinansa bilang pagtalima sa kautusan ng Pangulo.
Nabatid na sa Metro Manila, ang mga Lungsod ng Caloocan at Maynila lamang ang nangongolekta ng pass through fees. | ulat ni Jaymark Dagala