Nabigyan ng show cause order ang dalawampung (20) kandidato sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa umano’y premature campaigning para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Ayon kay Atty. Neil Canicula, Provincial Election Supervisor sa Catanduanes, labing-lima (15) sa mga nabigyan nito ay mula sa bayan ng Gigmoto habang lima (5) naman ang mula sa Virac.
Pinaigting aniya ngayon ng Comelec ang kampanya laban sa premature campaigning kung kaya’t hindi nito pinalampas ang mga kandidatong nagpost sa kanilang social media matapos makapag-file ng COC.
Nangangahuligan lamang aniya ito na seryoso ang Comelec, partikular ang Task Force Anti-Epal ng ahensya, sa paghihigpit laban sa illegal campaigning.
Ang campaign period para sa BSKE 2023 ay magsisimula na sa Oktubre 19 at magtatapos naman sa Oktubre 28. | ulat ni Verna Beltran | RP1 Virac