Binalikan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kabutihang loob ng mga Pinoy na kumupkop sa kanila sa Hawaii matapos ang noo’y 1986 People Power Revolution.
Sa harap ng Filipino Community sa Hawaii ay taos-pusong nagpasalamat ang Chief Executive sa malasakit at pag-aalaga na ginawa sa kanila ng mga Pilipino sa Hawaii.
Walang-wala aniya ang kanilang pamilya matapos na umalis sa Malacañang at ang mga kababayan na nakabase sa Hawaii ang nag-alaga sa kanilang pamilya sa panahon ng kanilang pananatili dito.
Mula aniya sa damit pati na ang mga kagamitan gaya ng appliances na gamit nila sa Hawaii ay suporta at bigay ng mga Pilipino.
Ang ganitong utang na loob ay tatanawin aniya ng kanilang pamilya habang buhay sa mga tumulong sa kanila.
Isang libong taon man aniya silang magpasalamat ay hindi pa din ito sasapat sabi ni Pangulong Marcos Jr. para makabawi sa kagandahang loob na ibinigay ng mga kababayan natin sa Hawaii sa kanilang pamilya. | ulat ni Alvin Baltazar