Mas pinaigting ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga hakbang nito laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Kaugnay nito ay lumagda ang Migrant Workers Protection Bureau sa memorandum of agreement (MOA), at ang 16 na munisipalidad sa Palawan upang magsagawa ng komprehensibong pre-employment orientation seminars, para sa mga kababayan natin nais na magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia, ang naturang inisyatibo ay layong protektahan ang mga OFW at pamilya nito, pati na ang mga nais na magtrabaho sa abroad.
Sa ilalim din ng naturang kasunduan, magkakaroon ng public information drive at workers education sessions tungkol sa overseas employment.
Bukod dito ay magtatayo rin ng OFW Help Desk ang lahat ng mga pumirmang munisipalidad upang matiyak ang agarang pagbibigay ng tulong at legal assistance sa mga OFW at mga pamilya nito.
Nangako rin ang DMW, National Reintegration Center for OFWs (NRCO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na magbibigay ito full-cycle reintegration interventions at suporta sa mga OFW at kanilang pamilya.
Kabilang na rito ang pagbibigay ng livelihood assistance at skills enhancement training para sa mga OFW upang mabigyan sila ng oportunidad kung nais nilang bumalik sa Pilipinas at magtrabaho rito. | ulat ni Diane Lear