Dumating na kagabi, Disyembre 3, sa Iligan City ang mahigit 400 na mga estudyante sa Mindanao State University (MSU) matapos sunduin ng lokal na pamahalaan ng Iligan sa Marawi City.
Ito ay bilang sagot sa hiling ng mga estudyante at nang kanilang mga magulang na umuwi muna matapos ang nangyaring pambobomba sa Dimaporo Gymnasium kung saan apat ang namatay habang 45 ang nasugatan.
Sa panayam kay Chief of Staff Jules Verne Padilla, ng Office of the Mayor, mahigpit na iniutos anya ni Iligan City Mayor Frederick W. Siao na ibigay ang lahat na kakailanganing tulong ng mga estudyante na nais umuwi sa kanilang mga tahanan.
Maliban sa libreng transportasyon, namahagi din ng food packs ang Iligan City Social Welfare and Development Office (ICSWDO) at psychosocial therapy sa mga estudyante.
Ikinuwento din ni Padilla na parang nagsilbing pick-up point ang lungsod ng Iligan dahil nagsidatingan din ang mga sasakyan ng mga LGU sa ibang lungsod upang sunduin ang mga estudyante na makauwi sa kanilang pamilya.
Sinundo na ng Surigao-LGU, Butuan at Cagayan de Oro ang mga estudyante sa MSU-Main mula sa LGU Iligan habang ang iba ay sa MSU-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT) gym nagpalipas ng gabi kung saan naglagay ng sleeping mats ang ICDRRMO upang makapagpahinga ng komportable ang mga estudyante.
Nagpasalamat naman si Francis Canete, isa sa mga estudyante sa MSU-Marawi sa tulong ng LGU-Iligan at sa pag-asikaso sa kanila ng maayos.
Ang Iligan City ay ang pinakalamalapit na lungsod sa Marawi City at nagsilbing “gateway” ng Lanao del Norte, Misamis Occidental, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Bukidnon, Agusan, Butuan at Surigao kaya isa ang LGU-Iligan na agad na makapagresponde sa panahon ng emerhensiya o sakuna tulad noong kasagsagan ng Marawi Siege. | ulat ni Biema Miñoza | RP1 Iligan