Muling nagpatawag ng pulong ang Ad Hoc Committee On Marawi Rehabilitation And Victims Compensation ng Kamara para alamin ang estado ng rehabilitasyon sa lungsod.
Sa kaniyang paunang salita, binigyang diin ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chair ng komite — hindi lang ang pisikal na pagbangon ang mahalaga sa Marawi kasunod na rin ng katatapos lang na pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi.
Aniya, ang naturang insidente ay nagpapakita sa kahalagahan ng rehabilitasyon hindi lang sa mga gusali ngunit maging sa social, economic at psychological na sugat na idinulot ng Marawi siege.
Batay sa update ni Presidential Assistant on Marawi Rehabilitation Assistant Secretary Felix Castro, marami sa mga ipinapatayong istruktura ang halos patapos na.
Kabilang dito ang Marawi City General Hospital na 90% nang kumpleto at tinatapos na lang ang exterior at interior finishes gaya ng pintura, tiles at bintana.
Tapos na rin aniya ang 10 school building. 5 dito ang sasailalim sa hiwalay na inspeksyon ng DepEd bago pormal na tanggapin.
Ang Pamayandeg Ranae Residences Phases 1 at 2 sa Brgy. Kilala ay nasa 74% nang tapos para sa land development at 79.8% naman para sa house construction habang ang Phase 3 at 4 nasa 93% at 80% naman nang tapos.
Nagkaroon lang ng hamon dahil may ilang informal settler na inokupa ang naturang mga bahay.
Aminado naman si Castro na ang pinakaproblema nila sa ngayon ay ang water supply at sewerage na kasalukuyan ay nasa 39% pa lamang aniya.
Hindi pa kasi tapos ang tripartite memorandum of agreement sa pagitan ng Local Water Utilities Administration o LWUA, Department of National Defense at Marawi City Water District.
Pagsisiguro naman ng ni Castro na walang problema sa pondo sa pagpapatupad ng mga rehabilitation projects sa Marawi. | ulat ni Kathleen Jean Forbes