Ipinag-utos ng Police Regional Office 13 na palakasin pang lalo at seryosohin ang pagsita sa mga itinalagang checkpoints papasok sa Caraga Region.
Sa programa kaninang umaga sa Radyo Pilipinas Butuan, sinabi ni PRO 13 Regional Director PBGen Kirby John Kraft na pinaiiral ngayon sa buong rehiyon ang full alert status upang mapigilan ang nangyaring pambobomba sa Mindanao State University (MSU) campus sa Marawi City.
Bagama’t walang kahalintulad na insidente na naitala sa kasagsagan sa rehiyong Caraga, paalala nito sa kapulisan na huwag magpakampante at manatiling nakaalerto.
Maliban sa checkpoints, mas hinigpitan din ang police visibility, mobile patrol at panawagan sa publiko para makipag-ugnayan sa awtoridad kung may maobserbahang kaduda-duda o mayroong mga bagong salta sa lugar na may kinikilos na maaaring maging banta sa kapayapaan. | ulat ni Jocelyn Morano | RP1 Butuan