Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang nakaambang transportation crisis kasunod ng nakatakdang pagpaso ng prangkisa ng traditional public utility jeepneys (PUJs ) sa June 30, 2023.
Sa isang virtual presser, sinabi ni Joel Bolano, Hepe ng LTFRB Technical Division, na hindi naman obligado agad na magpalit ng bagong unit ang mga nagmamaneho ng traditional jeepneys pagsapit ng Hulyo.
Paliwanag nito, tina-target lamang ng ahensya na maayos na ang consolidation phase ng mga PUJ, dahil ito ang unang hakbang sa modernization program.
Oras na makapag-consolidate na ay papayagan pa rin naman aniya ang mga driver na magmaneho ng lumang jeep hanggang Disyembre, habang inaasikaso ang pagpapalit sa modern jeep.
Sa pinakahuling tala ng LTFRB, nasa 61 percent na ng target na 158,000 units ang nakapag-consolidate na sa PUJ habang mayroon na ring 5,300 na bumibyaheng modern jeep sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa