Kasado na sa lalawigan ng Masbate ang kanilang selebrasyon ng Rodeo Festival 2024, makaraan ang isagawa ang kick-off ceremony nito noong ika-16 ng Pebrero.
Ang nasabing kick-off ceremony ay sinimulan sa pagsasagawa ng motorcade kasunod ang isang programa sa Masbate Grand Rodeo Arena sa Masbate City.
Kasabay nito ay nagsagawa rin ng pagpirma ng memorandum of agreement sa pagitan ng organizer ng naturang selebrasyon na Rodeo Masbate Incorporated at official partners nito, bilang hudyat ng kanilang pagtutulungan para sa matagumpay na selebrasyon sa lalawigan.
Inilatag na rin dito ang mga inihandang aktibidad kung saan highlight ang Rodeo Competitions na paglalabanan ng mga koponan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, dumalo rin sa nasabing kick-off ceremony si Department of Tourism (DOT) Bicol Regional Director Herbie Aguas, kung saan ipinadama niya ang kanyang kagalakan para sa naturang selebrasyon.
Ito na ang ika-28 Rodeo Festival na gaganapin sa lalawigan ng Masbate at opisyal naman itong bubuksan sa unang araw ng Abril hanggang sa ika-14. | ulat ni Jann Tatad | RP1 Virac
📷 Rodeo Masbateño, Inc.