Pormal nang inilunsad ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) flagship program sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kahapon, Pebrero 18, sa Northern Poblacion, Calamba, Misamis Occidental.
Pinangunahan ito nina Misamis Occidental Governor Atty. Henry S. Oaminal, Calamba Mayor Luisito B. Villanueva, Jr., Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Regional Director Ariel B. Abragan, at Police Community Relations Director PMGen Edgar Alan O. Okubo.
Ang naturang pabahay ay nagkakahalaga ng P1.10 bilyon na tinaguriang ‘Green Hills Village’ kung saan binubuo ng limang (5) gusali na mayroong 745 abot-kayang socialized housing units.
Kasabay rin nito ang paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Calamba at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Matatandaan na inilunsad ng pamahalaan ng Pilipinas ang 4PH noong Setyembre 2022 na naglalayong bawasan ang informal settlers sa bansa at makapagtayo ng anim (6) na milyong bahay hanggang matapos ang termino ni Pangulong Marcos.
Ito ay upang matugunan ang tinatayang nasa 6.8 milyong kakulangan sa pabahay sa buong bansa. | ulat ni Sharif Timhar | Radyo Pilipinas Iligan
📸 The Agenda: Asenso Misamis Occidental