Napasakamay na ng Philippine Air Force ang bagong C-130 tactical transport aircraft nito na ipinagkaloob ng Estados Unidos.
Sinalubong ito ng air force sa pamamagitan ng water cannon salute sa paglapag nito sa Clark Air Base sa Mabalacat City sa Pampanga.
Ayon sa tagapagsalita ng air force na si Col. Ma. Consuelo Castillo, ito ang ikalawang C-130 aircraft na natanggap ng Pilipinas sa Amerika sa pamamagitan ng Excess Defense Articles (EDA) Program.
Enero ng taong 2021 nang i-deliver ang unang C-130 sa bansa sa ilalim ng naturang programa.
Dahil dito, inihayag ng air force na lalong mapalalakas ang kanilang cargo airlift fleet para sumuporta sa humanitarian at disaster relief operations gayundin sa iba’t ibang military missions nito. | ulat ni Jaymark Dagala