Nasa lalawigan na ng Sulu ang tanggapan ng National Amnesty Commission o NAC upang magserbisyo sa mga nagkasala sa gobyerno dahil sa kanilang political belief na maaring maipasok sa amnesty program ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Peace Program Officer III Al-Sherwin Alpha ng National Amnesty Commission, Local Amnesty Board Secretariat – Sulu ang mga maaaring mag-apply sa naturang programa ay iyong mga kwalipikadong miyembro ng revolutionary organizations tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pa na nabanggit sa mga proclamation.
Ang amnesty ay ang pagbibigay ng general pardon sa mga political offenders matapos mahatulan o bago maisampa ang kaso. Ito ay isang uri ng executive clemency sa ilalim ng batas na ipinagkakaloob ng pangulo na sang-ayon sa lehislatura.
Binigyang-diin ni Admin Officer IV Khadija Sangkula na ang pag-aaply ng amnesty ay libre o walang bayad, kailangan lamang na magtungo sa naturang tanggapan para makapagfill-up ng form at makuha ang iba pang mga dokumentong kailangan para sa amnesty.
Pero sa ngayon, ani Alpha naghahanap pa sila ng lugar na maaring paglagyan ng kanilang opisina, nang sa ganon ay makapag-umpisa na silang tumanggap ng mga application para maiproseso ang kanilang papeles.
Dagdag pa ni Alpha, ang application period ay magtatagal lamang sa loob ng dalawang taon, kaya naman minamadali na nila ang paghahanap ng lugar para makapag-umpisa.
Nanawagan si Alpha sa mga miyembro o pamilya ng dalawang grupo na makipag-ugnayan lamang sa kanila para masabihan sa mga dapat na gawin upang mapasama sa amnesty program. | ulat ni Fatma Jinno | RP1 Jolo