Pinagsabihan ng Joint Committee on Basic Education at Higher Technical Education ang Department of Education, TESDA at Commission on Higher Education na ayusin ang kanilang komunikasyon at koordinasyon sa bawat isa.
Ginawa ni Committee on Basic Education Chair at Pasig City Rep. Roman Romulo ang pahayag matapos nilang madiskubre na hindi nag-uusap ang kinauukulang ahensya ng gobyerno na dapat sana ay nangunguna sa maayos na pagpapatupad ng Senior High School.
Sa pagdinig ng Joint Committee sa tatlong panukalang batas na magpapahusay ng Senior High School Program, sinabihan ni Congressman Romulo ang TESDA na kung bakit kailangan magpa-accredit ang DepEd sa mga programa nito sa Senior High kapalit ng NC2 certfication na dapat ay ibibigay sa mga estudyante kasabay ng kanilang graduation.
Aniya, hindi na kailangan pa ng batas upang atasan ang tatlong education agencies na mag-usap at bumalangkas ng panuntunan upang maging ‘smooth sailing’ ang K-12 program at ito mismo aniya ang direktiba sa kanila sa ilalim ng 2024 General Appropriation Act.
Payo naman ni Committee in Higher Technical Education Chair at Baguio Rep. Mark Go sa kinauukulang ahensya na magtulungan para mas mapadali at magtagumpay ang senior high graduates at masolusyunan ang jobs mismatch sa bansa.
Sa pagtalakay ng komite sa paglikha ng “Batang Magaling Council” upang palakasin ang multi-stakeholder collaboration at suporta sa employment ng mga bata., ipatatawag sa susunod na pagdinig ang industry leaders upang maging kabahagi ng konseho. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes