Tiniyak ng Metro Manila Council (MMC) na magpapasa ng kani-kanilang ordinansa ang mga Lokalidad sa Metro Manila.
Ito’y kasunod na rin ng ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council hinggil sa pagbabawal sa mga e-bike at e-trike sa mga national road.
Ayon kay MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora, kailangan ito upang mapag-isa ang pagpapatupad ng panuntunan.
Layon din nito ani Zamora na maiwasan ang kalituhan hinggil sa pagpapatupad ng batas trapiko lalo na sa mga gumagamit ng e-bike at e-trike.
Una nang sinabi ng MMDA na posibleng sa Abril pa tuluyang maipatupad ang naturang pagbabawal dahil kailangan pa itong dumaan sa tamang proseso. | ulat ni Jaymark Dagala