Suportado ng ilang mga PUV driver ang desisyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal at patawan ng multa ang mga Electronic Vehicles (EV) tulad ng E-trike, E-Bike, at E-scooter na dumadaan sa national roads.
Kasama sa inisyal na listahan ng MMDA ng mga pangunahing kalsada na bawal nang daanan ng electronic vehicles ang Commonwealth Avenue.
Ayon sa ilang driver na nakapanayam ng RP1 team, tama lang na hindi na pahintulutan ang mga electric vehicles sa national roads dahil wala namang rehistro ang mga ito at kung tutuusin ay hindi naman akma ang mga itong bumaybay sa mga kalsadang matutulin ang takbo ng mga sasakyan.
Sinabi ni Mang Julio na dapat ay limitahan lang sa maiikling biyahe sa maliliit na kalsada ang e-bikes at e-trikes gaya sa loob ng mga subdivision.
Pangunahing konsiderasyon din ng mga ito ang kaligtasan sa daan lalo’t delikado raw kapag nasagi nila ang mga e-vehicle.
Nag-aalangan nga daw palagi ang taxi driver na si Mang Dondon kapag may nakakatabing e-bike sa kalsada.
Una nang sinabi ng MMDA na umabot na sa higit 500 e-vehicle-related accidents ang naitala nito noong 2023. | ulat ni Merry Ann Bastasa