Tila hindi alintana ng ilan nating kababayan ang peligrong dulot ng pagtawid sa hindi tamang tawiran gayundin ang paggamit ng footbridge.
Ito’y sa kabila na rin ng pauli-ulit na paalala ng Special Action Intelligence Committee for Transportation (SAICT) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bawal tumawid sa EDSA dahil nakamamatay.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa bahagi ng EDSA-Ortigas, ilang pasaway pa rin ang namataang sumasampa sa mga concrete barrier sa EDSA busway at walang takot na nakikipagpatintero sa mga dumaraang sasakyan.
Dahil dito, puro busina tuloy ang inaabot ng mga pasaway mula sa mga sasakyang maingat na dumaraan sa EDSA lalo’t lubhang mapanganib ang gagawa ng mga ito.
Nabatid na may katapat na parusa ang jaywalking o ang pagtawid sa hindi tamang tawiran alinsunod na rin sa umiiral na ordinansa ng isang lokalidad. | ulat ni Jaymark Dagala